Nilinaw ng aktres, TV host at dating beauty queen na si Ariella Arida na walang naging isyu sa kanila ng TV host na si Willie Revillame matapos matsismis sa kanya noon nang maging bahagi siya ng “Wowowin.”
Kung matatandaan kasi, ilang taon din siyang naging co-host sa naturang programa kaya naging close rin sila sa isa’t isa pero ipinagdiinan ng dalaga na hindi sila naging magdyowa kahit kailan.
“Wala talaga, promise,” saad ni Ariella sa isang panayam. “Napanood nila ako sa ‘Family Feud.’ Gusto niya na akong kuning host. Tapos, nag-meeting na kaagad kami kasama ko yung ibang friends ko kasi nasa dinner ako.”
Diretsahan din daw siyang tinanong ni Willie kung may dyowa na siya.
“Tinanong niya kaagad, ‘May boyfriend ka?’ Nu’ng time na yun may boyfriend talaga ako, wala akong magagawa. So sabi ko, ‘Ay meron.’ In fairness naman kay Kuya, kapag may boyfriend, wala talaga. Naniniwala ako, ang dami ko nang nakasama sa industry, nasa tao talaga yun, how you present yourself. May kilala kasi ako na malapitin sa ganu’n tapos parang they don’t know how to get away with it. Ako nasa tao talaga. Kung ayaw mo talaga, ayaw mo ‘di ba?” sabi ni Ariella.
Samantala, nabanggit din ng dalaga na napakataas ng respeto niya kay Willie dahil bukod sa pinagkatiwalaan siya nito bilang TV host, ay marami rin siyang natutunan pagdating sa propesyonal at personal na buhay.
“Sinasabi ko rin all high regards kay Kuya Wil. Kasi in all fairness sa kanya talaga din ako natuto. Siya ang nagbigay ng chance sa akin mag-host, kung paano magsalita, makisalamuha sa masa. I did the job for two years din,” saad ng dalaga.
Inamin naman ni Ariella na hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sila ni Willie at totoong nagkasama sila ni Willie recently at ng iba pa nilang mga kasamahan sa “Wowowin.”