Namatay ang isang lalaking pinaghihinalaang holdaper matapos nitong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Poblacion sa Makati City Biyernes ng gabi.
Ayon sa Makati Police, may mino-monitor silang gumagalang naka-motorsiklo habang nagpaptupad ng Oplan Sita, nang mamataan ang suspek sakay ng motor na may plakang may takip.
Nang sisitahin na ay humarurot umano ito paalis pero na-corner ito P. Burgos corner Kalayaan Streets.
Sinabi ni Police Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police, nagmula sa isang grupo ang itinuturong suspek at may ilang reklamo na umano ng pangho-hold-up sa Maynila kaya pinaghahanap siya para mahuli ng Manila Police District.
“Naalarma yung ating bystanders doon. So kinuyog po nila itong suspect natin doon. Bumunot ito ng baril, and then ,ayun, tinutok niya. Tamang tama, andiyan na yung pulis nating dumating, dahil, ayun nga, sinundan nila. Nagkaroon ng armed encounter,” saad ni Cutiyog.
Dinala pa sa ospital ang itinuturong holdaper pero idineklara itong dead on arrival.
Samantala, aksidente namang nabaril ng isang lalaking walong-taong-gulang ang kaniyang kalaro na 12-anyos sa Patalon, Zamboanga City.
Sinabing isinugod sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat mula sa kalibre .45 na baril ang biktima.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Labuan Police Station 10 chief Major Ramon Acquitan, nangyari ang insidente nang maglabas ng baril ang suspek habang nakikipagkuwentuhan sa biktima at dalawa pang bata.
“Nang tinanggal niya ang magazine [pinaglalagyan ng mga bala], siguro inisip niya na walang nakasalang na bala yung .45 [baril]. Itinutok niya sa kaniyang mga kalaro kumbaga naglalaro sila, bigla, accidentally nakalabit niya ang gatilyo at tinamaan ‘yung kaniyang kaharap na kaibigan,” sabi ni Acquitan.
Umalis umano ang biktima matapos ang pangyayari pero bumalik din kinagabihan. Itinuro niya sa mga awtoridad kung saan niya inilagay ang baril.
Lumilitaw na pag-aari ng ama ng suspek ang baril na nagtatrabaho bilang caretaker ng lupain.