Ngayong nag-aalburoto na naman ang Mayon Volcano sa Albay, marami na naman sa ating mga kababayan na malapit sa bulkan ang nangangamba para sa kanilang kaligtasan at sa kanilang kabuhayan.
Nitong nakaraan nga ay nagdeklara na ng state of calamity sa probinsya ngayong nasa Alert Level 3 na ang Mayon.
Pero sa kabila nito, nagsabi mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa na ang mga local at provincial government kung sakali ngang pumutok na ang Mayon at ayon sa Pangulo ay handa na ang mga kakailanganing pondo at mga food packs para sa mga apektado ng volcanic activity ng Mayon.
“Patuloy ang paglilikas sa mga pamilyang nakapaloob sa 6km permanent danger zone at pagdadala sa kanila sa mga evacuation centers,” saad ng Pangulo sa isang social media post.
“Nakaantabay na rin ang DSWD para sa mga sumusunod na tulong: P114M Quick Response Fund available at DSWD Central Office; P5M Funds available at DSWD Field Office Region V; 179k Family Food Packs available in Disaster Response Centers,” dagdag niya.
Nanawagan rin ang Pangulo sa mga residenteng apektado ng Mayon na sumunod sa mga disaster officials.
“Sa pagsasailalim sa probinsya ng Albay sa state of calamity dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, pinapaalalahanan ang ating mga kababayang Bikolano na sumunod lamang sa mga rekomendasyon at evacuation instructions ng inyong lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa,” sabi ni Marcos.
Talagang higit na kailangan ngayon ng ating mga kababayan na apektado ng pag-aalburoto ng Mayon ang tulong ng pamahalaan dahil hindi talaga biro ang nararanasang hirap ng mga ito dahil siguradong malaki ang epekto nito sa kanilang pamumuhay at kabuhayan.