May ilang maliliit na riders ang nagtatanong ngayon kaugnay sa mga kaliwa’t kanan na sitahan at hulihan sa tuwing may nakalatag na checkpoint ang Philippine National Police (PNP) sa mga kalsada sa Maynila.
Marami kasi tayong reklamo na natatanggap mula sa mga may-ari ng motorsiklo na diumano’y napupuntirya ng mga pulis kapag nasita sa random checkpoint.
Maganda ang hangarin ng PNP sa pagsasagawa ng checkpoint upang malambat ang mga illegal na kriminal lalong-lalo na ang notoryus na “riding-in-tandem ‘ motorcycle duos na siyang responsible sa pagpatay, pag-snatch, basag-kotse at iba’t ibang klase ng krimen, ngunit sa isang bagay ay marami rin sa hanay ng pulis na ginagamit ito bilang gatasan ng pera para kikilan ang mga mayroong minor traffic violation.
Nakakaawa kung ang biktima ay isang Grab or Angkas driver lang na hirap sumagupa at magpawis upang kumita lamang ng parehas para makakain ang pamilya.
Para kay bagong PNP chief Benjamin Acorda Jr., sir, siguro wag lang tayong tumingin sa maingay na 990 kilo ng shabu na sinubsob ang imahe ng uniporme ng pulis.
Kung gustong makabawi sa dinulot ng malaking kahihiyan ang mga matataas na opisyal ng PNP sa mga maliliit na tao, sana tukuyin na lang sana ng checkpoint kung hanggang saan lang sila may limitasyon.
Hindi madali makipag-usap sa mga bagitong pulis na ramdam mong nagpa “power tripping” sa mga kawawang motorcycle riders. Sana po ang mga ito ay mayroon ding puso at hindi ‘bara-bara’ sa tuwing maninita sa mga checkpoint.
Hindi po ako anti-police dahil mayroon din po akong anak na isang pulis, pero sa akin lang, panahon na para iguhit ang linya na kung ano ba ang pakay ng pagsita sa checkpoint — criminality or minor traffic violation?