Naiulat nitong nakaraan na pansamantala munang itinigil ng bansang Israel ang pagkuha ng mga Pilipinong caregiver.
Bagama’t nakakalungkot ang balitang ito lalo na sa ating mga Pinoy caregivers, sinabi naman ng gobyerno ng Israel na kailangan pa rin nila ng mga manggagawang Pinoy para naman sa kanilang tourism industry.
Kung matatandaan, sinabing ang pagsuspinde sa pagkuha ng mga Pinoy caregiver ay kaugnay sa pagtalakay sa mga usapin tungkol sa bagong labor agreement sa Pilipinas.
Gayunman, inihayag ni Israeli Ambassador Ian Fluss, na kailangan nila ng dagdag na mga manggagawang Pinoy bilang hotel worker dahil sa sumisigla nilang tourism industry.
“We are very much interested in Filipino workers coming to Israel. There’s a lot of appreciation…We hope to sign in the near future an agreement cooperation on tourism,” sabi ni Fluss.
Ginawa ng opisyal ang pahayag isang araw makaraang magkasundo ang Pilipinas at Israel na magbukas ng direct flights sa dalawang bansa. Dahil dito, mapapadali na ang biyahe ng mga turista at manggagawang Pinoy na magpupunta sa Holy Land.
“The two governments will work together in seeing what way we can support the airlines,” ayon kay Fluss.
Sa mga ganitong klase ng mga balita, hindi pa rin maikakaila na talagang magagaling pa rin ang ating mga kababayang skilled workers, pero kailangan pa ring magtiis kahit paano ang ating mga Pinoy caregivers na target magtrabaho sa Israel.
Sana lamang ay matugunan ng pamahalaan ang problemang ito upang hindi naman mahirapan ang ating mga caregivers sa bansa.