Iniulat ng mga otoridad na isang babae sa Barangay Amaya II sa Tanza, Cavite ang namatay nang masagasaan ito ng isang bus matapos niyang mahulog sa kanyang sinasakyang motorsiklo.
Ayon sa Tanza Police, nakasakay ang biktima na kinilalalang si Janelle Latag sa motorsiklo ng kanyang ka live-in partner na si Niel Botacion nang makagitgitan nila sa kalsada ang isang bus.
Ayon sa report, sumemplang ang motorsiklo kaya nahulog ang babae at nagulungan ng bus. Sugatan naman ang driver ng motorsiklo.
Mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang bus driver na kinilala bilang si Mark Escober.
Samantala, arestado naman ang isa sa mga suspek sa pamamaril sa isang menor de edad na lalaki sa Nagcarlan, Laguna.
Nahuli ang suspek na si Lester Cortez sa bayan ng Liliw at nakuha sa kaniya ang isang motorsiklo at damit na suot niya noong mangyari ang krimen nung Martes ng hapon.
Ayon sa pulisya, hinarang ni Cortez ang motorsiklo ng biktima at inagaw ang kaniyang cellphone. Pagkatapos nito ay binaril ang biktima ng dalawa pang suspek na magka-angkas sa motorsiklo.
Iniimbestigahan na si Cortez para matunton ang dalawa niyang kasabwat.
Napag-alaman naman ng pulisya na ang menor de edad na biktima ay suspek sa panggagahasa sa apat niyang nakababatang kapatid.
Sa ibang balita, isang 57-anyos na ginang sa Mandaluyong City ang nabikitma ng Budol Gang.
Nakita sa kuha ng CCTV camera noong Mayo 31 ang biktima na kinakausap ng dalawang babae habang naglalakad at matapos noon ay pinasakay na siya sa kotse ng mga suspek at sa hindi raw malamang dahilan ng biktima, pumayag siyang dumaan sa kaniyang bahay para kumuha ng mga gamit at pera.
Nagtiwala raw ang biktima sa mga suspek dahil mayroon din naman daw gamit na iniwan sa kaniya ang mga ito pero hindi na bumalik ang mga suspek tangay ang kaniyang mga gamit at pera na aabot sa P2.6 milyon ang halaga.