Isang 19-anyos na dalaga ang dalawang beses umanong binaril ng kanyang kinakasama nitong Miyerkules ng gabi sa bahay ng lalaki sa Barangay 128 sa Tondo, Maynila.
Natagpuan umanong duguan at wala nang buhay ang dalaga habang ang suspek – na kinilalang si Bart Cariño, ay sumuko na sa mga pulis ilang oras matapos ang krimen.
Natagpuan ang bangkay ng biktima nang mag-report sa pulisya ang isa pang kinakasama ng kaniyang boyfriend.
Sa kuha ng CCTV sa building kung saan siya nakatira, makikitang umalis si Cariño sakay ng kaniyang motorsiklo ilang minuto bago natagpuan ang bangkay ni Poquinto.
Ayon kay Belson Dablo, kapatid ni Poquinto, nagsumbong sa kaniya ang kapatid niya matapos nilang mag-away ni Cariño.
“Kasi nagsumbong na po siya. Napaputukan na raw siya ng baril. Doon po ipinutok sa may tiles sa CR,” ani Dablo.
Napag-alamang malimit mag-away ang magkasintahan at ilang beses nang pinagbantaan ni Cariño si Poquinto. Nagkakabati rin daw ang dalawa matapos suyuin ng suspek ang biktima.
Sumuko sa pulisya si Cariño nitong Huwebes ng madaling araw. Ayon sa pulisya, sumuko ang suspek sa takot na balikan siya ng pamilya ng biktima.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ayaw makipaghiwalay ng suspek sa biktima.
Samantala, arestado ang isang lalaki matapos umanong manaksak ng anim na tao sa Baguio City at base sa imbestigasyon, sinaksak ng suspek ang anim na nadaanan niya mula sa Lion Park sa Governor Pack Road hanggang sa isang hotel sa Kisad Road.
Nahuli ang suspek sa ikalawang palapag ng hotel.
Ayon sa pulisya, ipasusuri muna sa espesyalista ang suspek dahil tila raw may diperensiya ito sa pag-iisip.