Iniulat ng mga otoridad nitong Miyerkules na isang babae sa bayan ng Mabini sa Pangasinan ang namatay matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang nobyo dahil umano sa naging pagtatalo nila at ang pagbabanta ng babae na makikipaghiwalay na ito.
Ayon sa mga ulat, ang biktima ay kinilalang si Hazel Catiple ng Barangay De Guzman habang nasa kustodiya naman ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Lyndon Lapaylapay.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa loob ng kanilang bahay ang dalawa. Nagdilim umano ang paningin ng suspek nang magbanta ang babae na makikipaghiwalay na.
“Yung babae, pilit na umaalis sa bahay. Ngayon, hinabol siya ng lalaki ayaw niyang palabasin ng pinto. Hinawakan niya sa leeg, yung kutsilyo nakuha niya at nasaksak niya ang babae,” saad ni PSSG. Daryl Buenaflor, imbestigador ng Mabini Police Station.
Sasampahan ng pulisya ng kasong murder ang suspek, ayon sa ulat.
Samantala, nasamsam ng mga awtoridad ang milyun-milyong pisong halaga ng mga pekeng sikat na brand ng tsinelas sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan.
Sa ikinasang operasyon noong Lunes sa King Sport Property Compound sa Barangay Lambakin, Marilao, naaresto ang tatlong Chinese na naaktuhang nagbebenta umano ng mga pekeng brand ng tsinelas.
Nakumpiska sa kanila ang 1,311 na sako na may lamang 62,000 na pares ng mga pekeng brand ng tsinelas na nagkakahalaga ng P180 milyon.
Sa isa pang operasyon nitong Martes, 2 Chinese din ang naaresto sa isang warehouse sa Duhat Road, Barangay Duhat, Bucaue at nakumpiska ang 40 sako ng pekeng brand ng tsinelas at iba pang ebidensya na tinatayang may kabuuang halaga ng P1,012,500.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police, nag-ugat ang dalawang operasyon sa kanilang naunang operasyon noong Mayo, kaya nagsagawa sila ng surveillance at nag-test buy operation para mapatunayan na sila nga ay nagbebenta ng mga pekeng brand ng tsinelas.
Nakipag-ugnayan din sa kanila ang Intellectual Property Association of the Philippines.