Ang mga alaga nating hayop ay nariyan upang kahit paano ay may maging katuwang tayo sa araw-araw, lalo na ang mga alagang hayop ng mga magsasaka na talaga namang nakakatulong sa kanilang pamumuhay.
Dito sa Kamaynilaan, kadalasan ang mga alagang hayop ay mga aso at pusa, at kung minsan, hindi naiiwasan na mayroong mga aso na lumalaboy na lamang sa lansangan dahil hindi na sila naaasikaso ng mga nagmamay-ari sa kanila.
Kahit ganoon, hindi dapat pagmalupitan ang mga ito dahil may buhay pa rin sila.
Pero minsan din, mayroon talagang mga masasamang tao at mga walang puso para sa mga aso, gaya na lamang ng isang aso na binaril na lamang nang walang dahilan sa Kidapawan City.
Nasa kritikal ang lagay ng isang aso. Ayon sa mga ulat, nagpapahinga lamang ang aso sa kalsada nang barilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kita sa CCTV na nagpapahinga nang tahimik ang dalawang aso sa isang subdivision gabi ng Miyerkules pero ilang saglit pa, tila namilipit sa sakit ang isa sa mga aso matapos siyang barilin, habang tumakbo ang isa pa.
Maririnig sa video ang ungol ng aso na tila humihingi ng saklolo.
Sinabi ng source na may ilang nakarinig sa putok ng baril na lumabas at nagmalasakit na saklolohan at iuwi ang aso.
Kinaumagahan, pinuntahan ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez ang aso para tingnan at gamutin at lumabas sa X-ray na tinamaan ng bala ang buto sa bandang likod ng aso ngunit hindi ito tumagos palabas.
Sinabi ng beterinaryo na maliit na ang tiyansang makaligtas ang aso.
Dapat mapigilan ang mga ganitong klaseng insidente, dahil ang mga alaga nating hayop ay dapat minamahal.