Iniulat ng Lucena City Police na natagpuang patay Linggo ng hatinggabi sa palikuran ng kulungan ang isang 19-anyos na binata na suspek umano sa panggagahasa at pagpatay sa isang bata sa Lucena City.
Ayon sa mga ulat, naisugod pa sa ospital ang preso pero idineklara ring dead on arrival ng doktor.
Nakulong noong Miyerkules ang suspek, na dawit sa brutal na pagkamatay ng isang 8 anyos na babae na natagpuang hubad at nakabusal sa isang bakanteng lote sa Barangay Gulang-Gulang.
Nauna nang naging witness ang suspek dahil siya ang nakakita sa bangkay at nagbigay-alam sa mga awtoridad.
Pero nang magpatuloy ang imbestigasyon, lumabas sa mga kuha ng CCTV na ang suspek ang huling kasama ng biktima bago mangyari ang krimen, ani Lucena police chief Lt. Col. Ruben Ballera Jr.
Ayon pa sa pulisya, inamin din ng suspek na siya ang may kagagawan ng krimen dahil nakagamit ng rugby.
Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang pagkamatay ng suspek at kung may iregularidad sa nangyari.
Samantala, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Northern Samar hinggil sa dalawang sibilyan na nasawi matapos masabugan ng improvised explosive device bandang alas-12 ng tanghali sa Barangay Magsaysay, bayan ng Las Navas, nitong Sabado.
Ang mga biktima na kapwa construction worker ay kinilalang sina Rowel Lebeco at Jerson Cabe at sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay ng motorsiklo ang mga biktima at pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada, isang IED umano na nakatanim sa gilid ng kalsada ang sumabog na ikinasawi ng dalawang biktima.
Mariing kinondena ng Northern Samar Police Provincial Office ang nasabing insidente at patuloy na inaalam ang mga taong nasa likod nito.