Iniulat ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang pag-disarma at pagsibak sa puwesto ng pitong pulis sa Angeles City dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa ilegal na pag-aresto at pangingikil.
Sabi ng PNP-IMEG, inaresto ang komandante, dalawang imbestigador at apat na intelligence operatives ng Angeles City Police Station 2 nitong Biyernes sa kanilang himpilan.
Ang pag-aresto ay kasunod ng impormasyon na may mga inaaresto at ikinukulong sa naturang police station at hinihingan pa umano ng pera ng mga tauhan nito.
Sa random inspection ng IMEG at iba pang yunit ng PNP, napag-alamang may 14 indibiduwal sa Angeles City Police Station 2 na nakakulong pa rin sa ngayon kahit walang kasong isinampa laban sa kanila.
“Bakit mo aarestuhin ang isang tao tapos hindi mo [sasampahan] ng kaso? Nakadetain lang doon eh anong inaantay nila? Areglo! At walang mai-explain kung bakit walang mai-file na kaso,” sabi ni P/BGen. Warren De Leon, direktor ng PNP-IMEG.
Dahil dito, nakatakdang magsasagawa ng mga inspeksyon ang PNP sa lahat ng mga custodial facility nito sa buong Pilipinas upang maiwasang maulit ang nangyari sa Angeles City.
Dinala na sa National Headquarters ang pitong naarestong pulis at mahaharap sa reklamong arbitrary detention at unlawful arrest.