Aminado ang aktres na si Kim Chiu na talagang naniniwala siya sa himala lalo na kapag pinalakas mo pa ang iyong pananampalataya sa Diyos at isa sa mga itinuturing niyang patunay ay ang mabilis na paggaling ng nakatatanda niyang kapatid na si Lakam na ilang araw ding na-confine sa ospital dahil sa naging karamdaman nito.
Kuwento ng aktres, talagang oras-oras siyang nagdarasal sa Panginoon at kay Padre Pio, Francesco Forgione o Saint Pio of Pietrelcina at talagang matagal nang devotee ni Padre Pio ang dalaga at naniniwala siya na ang taimtim na paghingi niya ng tulong at awa rito ang naging dahilan ng pagbuti ng kundisyon ng kapatid.
Ipinagdiinan ng gifriend ni Xian Lim na pinakamahalaga pa rin ang dasal at pananampalataya kapag may mga pinagdaraanang pagsubok sa buhay.
“Totoo talagang Padre Pio, isa talaga siyang miracle. Another miracle sa buhay ko na nangyari talaga. Yun! Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Akala ko…wala na ganu’n. Natakot talaga ako,” sabi ni Kim.
Dagdag niya, buong araw daw talaga siyang nanatili sa loob ng Padre Pio chapel sa Libis, Quezon City, para sa paggaling ng kanyang Ate Lakam.
“Wala, blangko! Nagkasakit pa ako. Hindi ko na alam kung ano na nangyari. Ang baba-baba na ng energy ko. Hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng lakas. Tambay na lang talaga ako sa Padre Pio church du’n sa Libis. Wala, du’n na lang ako buong araw,” sabi pa ni Kim.
At pagkalipas nga lang ng ilang araw, parang himala raw na gumaling agad si Lakam. As in parang wala lang daw nangyari. Bumalik agad ang sigla nito at punumpuno ng energy.
“Sobrang okay na siya. Parang birthday niya. Happy birthday! Mag-enjoy ka, ganyan. So, God is really good sa lahat,” pagpapatunay pa ni Kim.
Isa sa mga realizations ni Kim sa nangyari sa kanyang Ate Lakam ay ang dobleng pag-iingat sa katawan at kalusugan.
Mahal na mahal daw niya ang kapatid kaya gagawin niya ang lahat para masigurong okay na okay ang kalagayan nito.
“We’ve been with each other side by side. Siya ang nasa harapan ko, parang ganu’n. Siya talaga yung lakas ko left and right, ang ate ko. Kaya nu’ng nangyari yun, snap lang talaga, e. Kaya kayo, alagaan n’yo yung health niyo. Kapag alam n’yo na pagod na kayo… talagang nag-advise pa ako! Pero kapag pagod na kayo, matulog na kayo,” paalala pa ni Kim.