Iniulat ng mga otoridad ang isang kakaibang pagkilos umano ng isang inirereklamong kawatan, dahil nag-iiwan ito ng tsinelas kapalit ng mga gamit na kaniyang ninanakaw sa isang bahay sa Taguig City.
Sa kuha ng CCTV, simple pero mabilis na paglalakad ng lalaking kawatan habang dala-dala ang isang bag at ang laman umano nito ay ang mga nakaw na gadget mula sa isang bahay, na aabot sa P50,000 ang halaga.
Tumangay din ang suspek ng tsinelas at kaniya itong sinuot sa pag-alis.
Dalawang beses na umanong ninanakawan ang isang 33-anyos na call center agent at ang kaniyang nobya, na nakatira sa ikatlong palapag ng isang apartment building.
Sinuot umano ng suspek ang kaniyang braso sa loob ng bintana bago binuksan ang doorknob para makapasok sa bahay.
Pero sa ikalawang pagnanakaw ng suspek, nag-iwan na siya ng marka dahil nag-iwan siya ng tsinelas kapalit ng una niyang ninakaw at kaparehong brand umano ang iniwang tsinelas mula sa una niyang ninakaw, pero peke nga lang.
“Kumbaga, parang hindi normal sa isang magnanakaw na mag-iiwan ng sariling gamit sa crime scene. Hindi siya normal na tao,” sabi ng biktima.
Iniimbestigahan na ito ng Taguig Police.