Isang sunog ang sumiklab sa isang residential area sa Malabon City nitong Huwebes ng gabi kung saan aabot sa 25 pamilya ang nawalan ng tirahan habang isang residente naman ang nasugatan.
Ayon sa mga ulat, sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa may Kaunlaran Street sa Barangay Muzon ng lungsod, pasado alas-diyes ng gabi at mabili umanong kumalat ang apoy sa magkakadikit na mga bahay, at isang malakas na pagsabog ang narinig ng mga residente.
Ilang saglit pa, lalong lumakas ang apoy.
Nagtamo ng mga paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang residente.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), hindi bababa sa 15 bahay ang nasunog at 25 pamilya ang apektado, dagdag ng ulat at batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa isang bahay na may tatlong palapag.
Nahirapan sa operasyon ang BFP dahil sa bukod sa masikip na daanan papasok sa lugar na nasunugan, nagkaubusan umano ng tubig ang firetrucks.
May kalapit na fire hydrant pero hindi umano nagamit, kaya kumuha na lamang ng tubig galing sa katabing ilog.
Naapula ang sunog dakong 11:34 ng gabi, ayon sa ulat.
Inaalam pa ang kabuuhang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.
Samantala, naibalik sa isang delivery rider ang kaniyang motorsiklo matapos itong manakaw, Huwebes ng madaling araw sa Las Piñas City at ang itinuturong suspek ay isang 17-anyos na lalaki na kapitbahay pa ng biktima.
Sa kuha ng CCTV sa bahay ng biktima, makikitang tiniktikan pa sandali ng binatilyong suspek ang paligid ng labas ng bahay kasama ang kaniyang mga barkada bandang alas 2 ng madaling araw.
Dali-dali nitong itinakbo ang motorsiklo, habang ang kaniyang mga barkada ay sumakay ng isang pedicab at umalis sa ibang direksyon.
Nang umagang iyon, paglabas ng may-ari ng motorsiklo na si Alvin Canillo sa kanilang bahay para maghanapbuhay bilang isang delivery rider, wala na ang kaniyang motorsiklo.
“Nakuha sa mismong tapat ng bahay ng complainant. Naka-park yung kaniyang 110cc na motor. Ngayon, siyempre, meron na din drive ang complainant, mag-review, magtanong muna at i-review ang CCTV. So ang ginawa ng tao, binalikan ang CCTV, ni-review niya, nakilala niya ngayon ang suspect. Ang suspect, menor de edad,” saad ni Las Piñas Police Chief P/Col. Jaime Santos.
Dumulog agad siya sa barangay para ipaalam ang nangyari.
Natagpuan ang ninakaw na motorsiklo sa labas ng isang fast food chain malapit sa bahay ng biktima, sa pakikipagtulan ng Las Piñas Police.
Nahaharap sa kasong carnapping ang suspek at desidido ang biktimang si Canillo na ituloy ang kaso.