Inanunsyo ng Department of Transportation (DoTr) nitong Biyernes na magsisimula na sa susunod na buwan ang tigil operasyon ng mga biyahe ng Philippine National Railways mula Alabang hanggang Calamba, Laguna at pabalik.
Ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez, ang tigil-operasyon ay para umano bigyang daan ang pagtatayo ng North-South Commuter Railway system.
Inanunsiyo ito ni Chavez nang makisabay siya sa mga komyuter na bumiyahe sa rutang ito.
Tinatayang nasa walong daang pasahero ang sumasakay dito araw-araw kaya tiniyak ni Chavez na naghahanda na ang LTFRB ng mga alternatibong sasakyan tulad ng bus at jeepney, para sa mga maaapektuhan.
Ilang komyuter ang pabor sa gagawing bagong train system para anila’y bumilis at mas maging maginhawa ang pagbiyahe, bagaman may pangambang malaki ang itataas sa presyo ng ticket.
Nangangamba rin para sa hinaharap ng kaniyang pamilya ang naninirahan dito na si Josefina Navarda.
Kabilang kasi sila sa libu-libong pamilyang nakatira sa may riles ng tren na paaalisin ng gobyerno sa pagsisimula ng proyekto.
“Sana maganda yung lilipatan kasi ang pera madaling mawala… Sana maawa naman sila, ‘di ba? Kasi ang hanapbuhay tsaka bahay namin, mawawala. Kaya talagang masakit. Sana maawa sila. Dagdag sana, kahit puhunan, ‘di ba?” sabi ni Navarda.
Dagdag pa niya, wala pa siyang nakikitang pwedeng pasuking negosyo sa kanilang paglilipatan.
Sabi ni Chavez, “Ang isa sa pinakamagandang binigay ng Asian Development Bank ay yung ISF, ay bibigyan ng interim rental subsidy yung Calamba hanggang Alabang. Magkakaroon ng 3K, 5K, 7K, depende sa laki at kung san sila ire-relocate.”
“Ang usapan dito, in-city. So identified na natin saan sila. Na-inspect na ng ADB yung relocation sites… Principally, ang may obligasyon para sa livelihood nila ay LGU. Obligasyon ng government, bahay at lupa,” dagdag pa niya.
Sa Oktubre naman nitong taon planong isara ng DOTR at PNR ang mga stasyon ng tren mula Alabang hanggang Manila.