SAN JOSE, Occidental Mindoro — Naglaan ang national government ng P90,321,000 bilang pensyon ng mga senior citizen sa buong lalawigan, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Social Welfare and Development Team Leader Shiela Sarabia na tatanggap ng tig-P3,000 bawat isa ang 30,107 na mga seniors sa buong probinsiya, katumbas ng kanilang pension mula Enero hanggang Hulyo 2023.
Dagdag niya, ang iginawad na pensyon ay ayuda ng pamahalaan sa mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng programa.
Sinabi pa niya na upang maging eligible sa pension ang isang senior citizen ay dapat wala itong kaanak na tumutulong sa araw-araw nitong gastusin, walang trabaho o pinagkakakitaan, at kabilang sa mga higit na nangangailangan.
“Isa pang kwalipikasyon upang makatanggap ng pensyon, ay dapat wala itong retirement benefits o kahalintulad na suporta mula sa alinmang ahensya ng pamahalaan o pribadong tanggapan. Dapat indigent talaga,” sabi ni Sarabia.
Ibinahagi rin ni Sarabia na batay sa talaan ng kanilang tanggapan, sa 11 bayan sa probinsya, nakapag-payout na ang 10 munisipyo, maliban sa bayan ng San Jose. Isinasaayos na rin naman aniya ito upang makatanggap na rin ng pensyon ang mga SC ng nabanggit na munisipalidad.
Nilinaw din ni Sarabi na ang kabuuang bilang na higit 30,000 benepisyaryo ay maaari pang madagdagan, batay sa resulta ng isinasagawa nilang validation at assessment.