Ilang mga pahayagan sa Paris, France ang naglabas ng kuwento ng isang Filipina worker na naging biktima umano ng modern-day slavery.
Ang Pinay na itinago sa pangalang Lin ay nagtrabaho bilang domestic helper sa mag-asawang Franch-Lebanese sa France at ayon sa kanya, alipin ang naging turing sa kanya at naging mistulang bilanggo sa tahanan ng kanyang mga amo sa loob ng labing-dalawang taon.
“Twelve years po akong walang day-off, walang pahinga. Yung bang kahit makapahinga ka once a month, wala po,” kuwento ni ‘Lin’ sa isang local news channel.
Kuwento pa niya, bukod sa wala na siyangpahinga, napakababa rin umano ng pasahod sa kanya ng mga dating amo dahil katumbas lang umano ng P15,000 kada buwan.
“Sino ho ang makabubuhay ng pamilya nang ganun? Sino ang makapagpapa-aral ng mga anak?” saad ni Lin.
Pero noong July 2022, nagawa ni ‘Lin’ na makatakas sa kanyang employer matapos niyang tiniyempuhan na nakabakasyon ang kanyang mga amo sa ibang bansa.
Nag-post din siya ng saklolo sa social media at marami ang tumugon hanggang sa sinundo siya ng mga social worker.
“Kinuha po ako ng mga social worker sa bahay, sakto naman na nasa bakasyon ang mga amo ko kaya sinamantala ko na po. ‘Yun na ang pagkakataon,” sabi ni ‘Lin.’
Apat na buwan matapos siyang tumakas, muling nakahanap ng trabaho bilang yaya si ‘Lin’, ayon sa artikulo ng euro.dayfr.com.
Sa ngayon, nanunuluyan sa isang government shelter sa Paris si ‘Lin’ kung saan ay maayos naman umano ang kanyang kalagayan.
“Sagot nila lahat. Wala kaming binabayarang kuryente o tubig. Depende na lang sa pagkain. Kapag wala kang trabaho, meron silang binibigay na allowance,” sabi ng Pinay.
Samantala, tinutulungan din siya ng mga social worker sa isinampang reklamo laban sa dating employer. Naghain si ‘Lin’ ng civil action matapos umanong i-dismiss ang imbestigasyon sa naunang reklamo niyang human trafficking.
Masaya si ‘Lin’ sa Paris, doon na siya napadpad dahil sa sinapit umano niya sa kanyang mga dating amo. Tiwala siyang magkakaroon siya ng hustisya dahil sa malakas ang paninindigan ng gobyerno ng France pagdating sa proteksyon sa mga karapatang pantao.
Isa sa grupong tumutulong kay ‘Lin’ ay ang Comitè Contre l’Esclavage Moderne (CCEM), isang French non-government organisation na nilalabanan ang modern-day slavery at human trafficking.
Malaki rin ang pasasalamat ni ‘Lin’ sa gobyerno ng France sa pagsalba at pagtulong sa kanya, gayundin sa mga kababayan sa Paris na umasiste sa kanya nang hindi naghihintay ng kapalit.
“Bahala na po ang Diyos na magbalik sa kanila ng magagandang bagay na itinulong nila sa akin, Napakabusilak po ng mga puso nila,” sabi ni ‘Lin’.