Nitong nakaraan ay naiulat ang pag-araro ng isang SUV sa isang grupo ng mga Pilipinong siklista sa Kuwait na ikinasugat ng mga ito habang ang ilan naman ay kritikal ang lagay sa mga pagamutan sa bansa.
Talaga namang kalunos-lunos ang sinapit ng mga ito dahil bukod sa nagkasugat-sugat ang kanilang mga katawan ay tinakbuhan pa sila ng driver ng SUV, na naiulat namang sumuko rin sa mga otoridad sa Kuwait.
May mga ilang nagsasabi na hate crime umano ang nangyari dahil umano sa diskriminasyon, pero nilinaw naman ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na wala umanong indikasyon na ito nga ay hate crime.
“So far, walang indication na hate crime ito kasi mayroong tradition ang Kuwait na ang mga driver ayaw talaga sa cyclists. Kaya ang iniisip nila, this will lead to more calls sa cyclists na kailangan bigyan ng better protection ang cyclists, malinaw na bike lanes,” ayon kay De Vega.
Dagdag pa niya, mayroon na rin umanong mga nangyaring insidente na hindi mga Filipino ang sangkot.
Maaari umanong maharap sa kaso ang driver kapag napatunayan na hindi siya naging maingat sa pagmamaneho, ayon pa kay De Vega.
Una nang iniulat na nasa bike lane ang mahigit 30 ang Pinoy bikers nang mangyari ang insidente.
Sana ay malinawan na ng pamahalaan natin at ng pamahalaan ng Kuwait ang pangyayaring ito dahil hindi maikakailang nakakadagdag ito sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Kung matatandaan rin kasi, nagpatupad ng ban ang bansang Kuwait sa mga overseas Filipino workers at ipinagbawal ang kanilang pagpasok sa bansa.