Isang magandang balita ang bumungad sa ating mga kababayan na nais magtrabaho sa Saudi Arabia makaraang ihayad ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang milyong trabaho ang bubuksan umano ng Saudi Arabia para sa mga Filipino worker.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, magkakaroon ng special hiring program para sa mga Filipino skilled worker at darating umano sa bansa sa Hunyo ang mga labor official ng Saudi Arabia kaugnay ng gagawing special hiring program.
Una nang sinabi ni Ople ang posibilidad na magkaroon ng joint special hiring program dahil sa isinusulong ng Saudi Arabia na palakasin ang kanilang tourism industry.
Ayon pa sa kalihim, pinag-aaralan din ng Saudi Arabia ang posibilidad na mamuhunan sa Pilipinas.
Hindi lamang ito ang mga hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang ating mga OFW, dahil noong nakaraang Marso ay naglaan ang pamahalaan ng tig-P10,000 pinansiyal na ayuda ang mga overseas Filipino worker na naghihintay na matupad ang pangako ng pamahalaan ng Saudi Arabia na babayaran ang mga sahod na hindi pa nila nakukuha nang nagsara ang mga pinasukan nilang mga kompanya noong 2015 at 2016.
“To the claimants, we are extending a humanitarian package,” sabi ni Ople sa isang naunang pahayag. “It may be modest, but I hope that somehow it can help, especially to those who are sick or those who can no longer find jobs, particularly to those who have passed away and their families.”
Tatlong buwan na ang nakararaan nang ipangako ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman kay Marcos na sasaluhin ng Saudi Arabia ang pagbabayad sa unpaid wages ng mahigit 10,000 OFWs matapos na magsara o mabangkarote ang mga pinagtrabahuhan nilang mga kompanya dahil sa krisis sa ekonomiya.
Sana nga ay magtuloy-tuloy ang magandang oportunidad na ito para sa ating mga OFWs nang sa gayon ay makabangon sila kahit paunti-unti mula sa hirap na nararanasan ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, krudo at siyempre ng pandemya.