Kumpirmado nang engaged ang aktres at celebrity mom na si LJ Reyes sa kanyang non-showbiz boyfriend na nagpropose na sa kanya nitong nakaraan.
Kinilala ang BF ni LJ na si Philip Evangelista at sa IG at FB ni LJ ay ibinahagi niya ang ginawang proposal ng kanyang non-showbiz fiancé sa isang beach resort.
“‘For I know the plans I have for you,’ says the Lord. ‘They are plans for good and not for disaster, to give you a future and a hope.’ — Jeremiah 29:11 NLT,” saad ni LJ sa kanyang caption.
Talagang walang pagsidlan ng tuwa ngayon si LJ lalo na nang lumuhod na sa kanyang harapan ang BF niya habang isinusuot ang engagement ring sa kanyang finger.
Bumuhos naman ang pagbati sa aktres at sa kanyang fiancé mula sa netizens at sa mga local celebrities na tuwang-tuwa sa bagong milestone sa buhay ng kanilang kaibigan.
Ilan sa mga nag-congratulate sa engaged couple ay sina Marian Rivera, Iza Calzado, Andrea Torres, Camille Prats, Ryza Cenon, Carla Abellana, Joyce Ching, Sheena Halili, Kaye Abad, Nikki Valdez, Melissa Ricks, Gary Valenciano at marami pang iba.
Tatlong taon nang naninirahan ngayon si LJ sa Amerika kasama ang mga anak na sina Aki at Summer. Iniwan niya ang Pilipinas matapos ang kontrobersyal na paghihiwalay nila ni Paolo Contis.