Inihayag ng Las Piñas Police nitong Martes na iniimbestigahan nila ang anggulong ng umano’y posibleng pag-torture sa apat na taong gulang na lalaki na nakita ang katawan sa loob ng isang washing machine noong nakaraang Linggo.
Ang anggulong ito ay lumutang makaraang makatanggap umano ng impormasyon ang mga otoridad na sadya umanong pinahirapan ang bata bago ito pinatay.
Ayon kay Las Pinas police chief Col. Jaime Santos, may posibilidad umanong ang ginawa ng kinse-anyos na binatilyo sa kanyang pamangkin ay kahalintulad ng ginawa ni Jeffrey Dahmer, isang American serial killer na pumatay ng 17 bata mula 1978 hanggang 1991.
Sinabi pa ni Santos na base sa social media post ng suspek na ngayon ay burado na, may mga pagkakapareho umano ang mga tinuran nito sa naturang American serial killer.
“There is a Facebook post which we retrieved as it was screenshot by his relatives and the pattern is there with the same words of Jeffrey Dahmer,” saad ni Santos sa isang panayam ng online morning show ng Daily Tribune.
Samantala, sinabi naman ng pinsan ng biktima na una na siyang nakatanggap ng mensahe noong Lunes mula sa isang concerned citizen nagpakilalang malapit na kaibigan ng 15-anyos na suspek.
Nakunsensya umano ang concerned citizen kaya nagdesisyon itong makipag-ugnayan sa mga kaanak ng biktima.
Nagpadala pa ito ng screenshots nagdidiin umano na sadyang pinatay ng suspek ang biktima.
Isa sa mga larawang pinadala ng concerned citizen ay ang mga kuha sa biktima na may nakalagay pang time stamps na galing umano sa suspek at makikita sa larawan na bandang alas tres ng hapon na umiiyak pa ang biktima.
At dakong 3:53 p.m., makikitang nakalublob na sa balde ang bata.
Naniniwala naman ang lolo ng batang biktima na ang mga larawan ay kuha sa mismong araw na namatay ang paslit dahil sa suot nitong damit.
Nagbabala naman ang isang psychiatrist, na posible umano na may impluwensya ang mga pinapanood ng suspek sa kanyang naging paguugali.
Sa medical certificate lumilitaw na ang cause of death ay blunt traumatic injuries to the head. Pero inaabangan pa ng mga pulis ang full autopsy report.
Sinampahan na ng reklamong murder ang suspek.