Iniulat ng mga otoridad nitong Lunes na isang apat na taong gulang na batang lalaki ang nadiskubreng patay sa loob ng isang washing machine sa Barangay CAA sa Las Piñas City na unang naiulat na nawawala.
Ayon sa mga ulat, dalawang araw na umanong nawawala ang bata at hindi na makatulog ang kanyang pamilya dahil sa paghahanap at nang madiskubre na ang bata ay nasa state of decomposition na ito.
Sinabi ng pulisya na natagpuan umano ang bata sa loob ng washing machine sa bahay ng kanyang 15-anyos na tiyuhin na una nang pinagkatiwalaan ng pamilya upang alagaan ito at natuklasan lang ng ina ng suspek ang binabad na sikreto sa washing machine makaraang umalingasaw ang amoy ng bangkay.
Una nang nagsumbong ang lolo ng biktima sa barangay na nawawala ang kanyang bunsong apo noong May 26.
Base naman sa salaysay na ibinigay ng ina ng suspek sa pulis, naaksidente umano ang bata at kuwento nito, nakarinig umano ang suspek ng malakas na kalabog sa hagdan at nang makitang hindi na kumikilos ang bata ay nataranta ito at itinago ang katawan ng bata sa loob ng washing machine.
Pero hindi kumbinsido ang lolo ng biktima sa alibi ng suspek. Giit nito, may naganap na krimen at hindi lamang aksidente ang nangyari.
Ayon sa lolo, bukod sa kahinahinala umano na paliwanag, nagpost ang suspek sa kanyang social media account na nagpapahiwatig na napatay umano niya ang kanyang apat na taong gulang na pamangkin.
Hinihintay pa ng mga pulis ang resulta ng otopsiya sa biktima upang malaman kung may foul play sa pagkamatay nito.
Sa ngayon, dinala na sa pasilidad ng DSWD ang kinse anyos na suspek.
Ayon naman sa lolo ng biktima, mapapatawad nila ang binatilyo, pero desidido silang papanagutin ito.