Iniulat ng pulisya na isang palaboy na lalaki ang namatay matapos umanong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Caloocan City noong gabi ng Sabado.
Ayon kay Police Capt. Joselito Santos, base sa paunang imbestigasyon, nakatayo ang 21 anyos na biktima sa isang madilim na sulok sa may Barangay Bagong Silang nang biglang paputukan nang ilang beses ng hindi pa nakikilalang gunman.
“Mayroon siyang ginagawang mga bagay gaya ng biglang yumayakap sa mga tao. Tinitingnan sa mga anggulo na ‘yon kung nagkaroon ng sama ng loob sa kaniya,” sabi ni Santos.
Narekober naman sa crime scene ang 3 basyo ng bala.
Sa ibang balita, aabot sa halos P26 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Caloocan City noong Sabado.
Dalawa ang naaresto, kabilang ang tulak na si alyas “Edwin” na nagbabgasak ng ilegal na droga sa iba-ibang lugar sa Metro Manila, ayon kay Col. Ruben Lacuesta, hepe ng Caloocan police.
Ikinasa ng mga pulis ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyong pupunta si “Edwin” sa Caloocan at nasa 3,800 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P25.8 milyon ang nakumpiska umano sa mga suspek.
Ayon kay Lacuesta, hindi matitinag ang mga pulis sa paghuli sa drug suspects kahit pa pinagbabaril at hinagisan ng granada ang drug enforcement unit ng Northern Police District noong nakaraang linggo.
“Hindi po tayo titigil kahit na sabihin na mayroon pong ganyang na mga insidente ay mas lalong nandoon ‘yong motivation na talagang mas aggressive pa ‘yong ating gagawin,” sabi ni Lacuesta.
Naghigpit na rin ng seguridad ang pulisya sa kanilang tanggapan para tiyaking hindi na mauulit ang insidente.