Puspusan pa rin ang paghahandang ginagawa ng Metropolitan Manila Development Authority at ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa mga posibleng epekto ng Bagyong Betty.
Binabantayan ngayon ng MMDA ang posibleng malakas na ulan na dala ng bagyo sa National Capital Region.
“Nakipag-ugnayan tayo sa mga Metro Manila mayors at lahat naman po nag-signify ng kahandaan kung sakali nga pong dumating ang pag-ulan,” sabi ni MMDA acting chairman Don Artes.
Kabilang din sa mga inihanda umano ang 71 pumping stations ng MMDA, na makatutulong kontra pagbaha.
“’Yong 71 pumping station naman po natin ay fully operational, 100-percent capacity… to make sure na ‘pag dumating ‘yong malakas na pag-ulan ay madaling mapapahupa kung mayroon mang pagbaha,” saad ni Artes.
Tuloy-tuloy din ang paglilinis ng mga kanal.
Nanawagan din ang MMDA sa mga residente na huwag magtapon ng mga basura dahil nagdudulot ito ng pagbara sa mga daluyan ng tubig.
Sa Maynila, naka-standby lang ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office habang maganda ang panahon ngayong Linggo.
Sa Las Piñas City, pinaghahandaan na rin ng local DRRMO ang pag-ulang dala ng habagat na palalakasin ng bagyo. In-active na rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang search and rescue team.
Hindi dapat ipagwalang-bahala ang pagdating ng bagyo dahil ayaw na nating maranasan muli ang mga epekto ng mga nakaraang bagyong Ondoy at Yolanda.