Iniulat ng mga otoridad na isang lalaki umano ang pumapasok sa mga kabahayan sa Dagupan City, Pangasinan para magnakaw pero imbis na alahas at mamahaling gamit ang kinukuha, mga panty ang target nitong kunin.
Sa isang ulat, nahuli umano sa CCTV ang kawatan na pumasok umano sa isang dormitory at pinuntirya ang mga panty ng mga boarder nito at iniwan ang mga mahahalagang gamit.
Nakuhanan sa CCTV camera ang suspek na nagawang makapasok sa gate ng compound ng dormitoryo sa Barangay Tapuac at makikitang umakyat ang suspek patungo sa isang kuwarto. Ilang minuto pa ang lumipas, lumabas na ang lalaki na may bitbit na bag.
Ayon sa pamunuan ng dormitoryo, mga panty ng kanilang mga boarder ang laman ng bag.
“Kinuha yung bag iniwan yung mga alahas. At kinuha yung panty lang. Yung ang nawawala mga panty. Last week naramdaman nila na may nagbubukas ng pinto nila,” sabi ni Edwin Damasco, caretaker ng dormitoryo.
Kinumpirma naman ng barangay na may tatlong babae ang nagreklamo sa kanila matapos manakawan ng mga panty.
Dahil madilim ang kuha sa CCTV, hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Pinaigting na ng dormitoryo ang pag-iingat sa kanilang lugar, habang paiigtingin din ng barangay ang pagroronda.
Samantala, bugbog-sarado ang isa umanong snatcher sa Quezon City matapos makorner ng taumbayan dahil sa pag-isnatch umano nito ng cellphone at wallet.
Kinilala ang suspek na si Daryl Ramirez, na nakasakay umano sa motorsiklo nang gawin ang pagnanakaw.
Nakaladkad at nasugatan pa umano ang biktima nang tinangka niyang habulin ang suspek. Ilang tao ang nakakita sa insidente at tinulungan ang biktima.
Naaresto si Ramirez nang makita ng mga nagpapatrolyang pulis ang komosyon.
Nakuha mula kay Ramirez ang mga ninakaw umano niyang gamit pati ang ginamit niyang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek sa mga kasong may kinalaman sa droga at ilegal na pagsusugal.
Humingi naman ng tawad ang suspek sa nagawa niya. Mahaharap siya sa reklamong robbery at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act.