Hindi maikakailang talagang nakakaranas pa rin ng hirap ang marami sa ating mga kababayan dahil bukod sa hindi pa tapos ang pandemya ay hirap na ring makahanap ng trabaho at pagkakakitaan dahil na rin sa mga narararanasang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at krudo.
Ang ilan nga sa ating mga kababayan ay talagang hindi na makabangon sa hirap pero pinipilit pa ring lumaban ng parehas.
Ang nakakalungkot lang, may ilan din sa ating mga kababayan ang ginagamit maging ang mga menor de edad na mga anak sa mga ilegal na gawain kumita lamang ng pera, gaya na lamang ng ulat na limang menor de edad umano ang nasagip mula sa kanilang ina na siya mismo ang nagbubugaw sa Bataan.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), na-rescue nila ang mga bata noong Martes sa kanilang tirahan sa Dinalupihan sa isang operasyon kasama ang mga personnel mula sa Inter-agency Council Against Trafficking at Municipal Social Welfare Development Office-Bataan.
Doon naaresto din ang ina ng mga biktima.
Ayon sa NBI, nagkasa sila ng operasyon matapos makakuha sila ng ulat mula sa Australian Federal Police na naaresto ang isang Australian na kakagaling sa Thailand at kinasuhan ng child exploitation.
Ayon sa Australian Federal Police, nakuhanan ang suspek ng tatlong gadget na naglalaman ng child abuse materials. Mga Pilipinong bata umano ang mga biktima, kaya nila ito iniulat sa NBI.
Hindi na biro ang nangyaring ito, at talaga namang wala nang puso ang ina ng mga batang ito dahil naatim niyang pagkakitaan ang mga ito sa ilegal na paraan. Sana lamang ay magkaroon pa ng maayos na kinabukasan ang mga kabataang ito.