Talagang hindi pa rin nagkakaroon ng malinaw na solusyon ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ng presyo ng krudo dahil nitong nakaraan lamang ay nagtaas na naman ng presyo ng langis sa bansa.
Pero namumuro na namang tumaas uli ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo dahil base umano sa unang tatlong araw ng trading sa world market, nasa P0.98 na ang itinaas ng presyo ng kada litro ng imported na gasolina.
Bumaba naman nang P0.20 ang kada litro ng diesel at P0.35 ang kerosene.
“’Pag titingnan po natin ang [Mean of Platts Singapore], medyo manipis talaga ang negative so baka ma-wipe out pero ang gasolna, mukhang confirmed na malaki-laki [ang] increase,” saad ni Jetti Petroleum president Leo Bellas.
“Talagang nakita ang paglago ng demand at isang katunayan is malaki ang drawdown sa US inventories,” dagdag niya.
Mula umpisa ng taon, 12 beses na ang dagdag-presyo sa gasolina habang walong beses naman ang rollback, kaya may net increase na P5 kada litro.
Pero sa diesel at kerosene, mas marami ang rollback kaysa oil price hike kaya parehong may net rollback na higit P5 kada litro.
Samantala, nasa higit P2 kada kilo na ang ibinagsak sa imported price ng liquefied petroleum gasoline (LPG) sa ngayon, pero may anim na araw pa bago ang final contract price na ipatutupad sa Hunyo 1.
“This is what also happened last month that we thought that it’s going down but at the end of the day nagkaroon pa ng increase, which is P0.50 but we expect na pababa dapat,” sabi ni Regasco President Arnel Ty.
Mula umpisa ng taon, may net rollback pang P5 kada kilo ang LPG, na nangangahulugang mas marami at mas malaki ang naging bawas kaysa taas-presyo.
Sa napipinto na namang pagtaas ng presyo ng langis na sa pakiramdam namin ay wala nang humpay, wala na naman tayong ibang magagawa kundi ang maghigpit ng sinturon at umasang bumaba ang presyo nito sa mga susunod na linggo.