Inaresto ng mga operatiba mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na katao na namemeke umano ng ng SIM registration at paggawa ng mga pekeng GCash account at kasama sa sa mga nahuli ay isang senior high school student na nahuli ng NBI Cybercrime Division sa isang entrapment operation.
Ayon sa NBI, namonitor nila ang pagbenta umano ng senior high school student na itinago sa pangalang “Dale” ng mga pekeng GCash account.
Sinabi naman ng suspek na nagawan niya ng paraan na gumamit ng mga pekeng ID at picture ng ibang tao para makagawa ng mga GCash account — isang paraang natutunan niya sa isang group sa social media.
“Nagpo-post sila ng mga tutorial, binabasa ko lang, tapos ginagawa ko lang kung anong nandoon. Gumagana naman,” sabi ni “Dale.”
Sa hiwalay na operasyon, naaresto naman ang dalawang lalaki dahil sa pagbili ng mga GCash account na kanila umanong binebenta sa isang buyer.
Hinuli rin ng mga awtoridad si alyas “Marlene,” na kasabwat sa paggawa ng mga pekeng GCash account gamit ang mga SIM card na pineke ang pag-register.
“Mayroon taga-register online [tapos] ipapasa ko ‘yong SIM tapos siya na ang mag-register ng number tapos sabi niya fake IDs ang gamit,” anang suspek.
Naalarma ang NBI kung paano nakakalusot ang lantarang pamemeke ng mga suspek.
“We were able to find out in the SIM registration, they were using a pseudo or fake IDs. Gingamit din to register the SIM, picture ng aso or pusa,” sabi ni Jeremy Lotoc ng NBI Cybercrime Division.
Sa mga kasong natatanggap ng NBI, nagagamit ang mga pekeng e-wallet account sa mga scam.
Iniimbestigahan din umano ng NBI kung konektado ang mga suspek sa nangyaring phishing ng GCash accounts noong nakaraang linggo.
Inirekomenda naman ng NBI sa mga e-wallet company na higpitan ang kanilang security features. Makikipag-ugnayan din umano sila sa ibang ahensiya kung paano matitiyak na hindi nadadaya ang SIM registration.
“We will craft a recommendation. So it’s for the SIM registration officers to adopt,” ani Vicente de Guzman III, assistant director ng NBI Investigative Service.
Sa isang pahayag, pinuri ng GCash ang pagkakaaresto sa mga suspek.
Patuloy umanong pinapalakas ng kompanya ang kanilang internal controls.
Kasabay nito, makikipag-ugnayan din umano ang GCash sa mga mambabatas na gawing ilegal ang pagbebenta at pagbili ng mule accounts.