Nakabantay ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa nasa mahigit 430 na mga barangay official sa buong bansa na sangkot umano sa ilegal na droga.
Ayon kay PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr., pinakamaraming barangay officials na kanilang minomonitor ay sa Region 6 o Western Visayas pero giit niya, susuriin pa nila ang mga natanggap na impormasyon.
“Base mga dumarating na mga information, we are collating it, although these are subject for evaluation din… Iba-iba po ‘yung level of involvement like puwede sila ‘yung pushing mismo or ‘yung protector or sila na mismo nag-pi-finance,” saad ni Acorda.
Umapela naman si Acorda sa mga bontante na suriing maigi ang mga ibobotong barangay officials sa darating na Baranagay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
“I will take this opportunity to appeal to our would-be voters na kapag talagang medyo may involvement ang mga candidates, huwag na natin isama sa consideration to become our next set of barangay officials,” sabi ng PNP chief.
Samantala, hinimok naman ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang mga may balak tumakbo sa darating na halalan na magpa-drug test.
“Sa lahat ng tatakbo, we are fighting a war that is a global problem. Kung gusto niyo tumakbo, manilbihan sa bayan, one of the biggest problems is drugs. Siguro magpa-drug test kayo, ipakita niyo handa kayo maglingkod. I am calling out to all candidates,” sabi ni Abalos.
Sinabi rin ni Abalos na sa loob ng 10 araw o 2 linggo ay posibleng maghain na sila ng reklamo laban sa ilang pulis na may kinalaman sa 990 kilo ng shabu na nasabat sa raid noong Oktubre 2022 sa Maynila.