Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang isyu kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa dami nang mga pangyayari ay nagmumukha na itong isang teleserye.
Nitong nakaraan kasi ay ilang mga suspek na nahuli ang nagbawi ng kanilang mga naunang salaysay kaugnay sa kaso pero magkaganun man ay naniniwala pa rin ang Department of Justice (DoJ) na sapat ang hawak nilang ebidensya.
Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, hindi lang nakabase sa mga testimonya ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
“Dapat natin intindihan na sa isang kaso, mayroon tayong tinatawag na testimonial evidence. Iyan ay ang mga salaysay ng mga saksi o nakasaksi o nakakita ng krimen, may kinalaman sa krimen… Aside from that, mayroon tayong tinatawag na object o real evidence, documentary evidence, and you also have forensic evidence which can still be used and will be enough to sustain the case,” sabi ni Fadullon.
Ito ay matapos maghain ng affidavit of recantation ang isa sa mga suspek na si Jhudiel o Osmundo Rivero sa Department of Justice.
Naghain na rin umano ng kaparehong affidavit ang tatlo pang suspek na sina Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan, at Daniel Lora, ayon sa kanilang abogado na si Atty. Danny Villanueva.
“Sa ngayon ang mayroon lang kami ay yung retraction o affidavit of retraction ni Osmundo Rivero. Yung napapabalita na mayroon pang tatlo, inaasahan namin iyan considering sila ay nire-represent ng isang law office lamang,” ayon kay Fadullon.
“Pero ganun pa man ‘yung tatlong statements na iyon, pinagbabatayan namin ay reports, wala pa kaming natatanggal na kahit na anong dokumento patungkol dito… Kailangan pa rin itong mapatunayan, dahil hindi nangangahulugan na dahil ito ay ang huling statement na binigay niya, ito ang katotohanan.” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Fadullon na hindi basta hihina ang kaso ng prosekusyon dahil sa pagbaliktad ng ilan sa mga suspek.
Umuusad pa rin naman kahit paano ang kaso, pero sana naman ay matapos na talaga ito at malaman na kung ano ang puno’t dulo nang pagpaslang sa gobernador at matukoy na rin ang totoong may kinalaman sa kaso.