Huling-huli sa CCTV ang pagrarambol ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Sta. Cruz, Maynila at makikita ang nasa limang kabataan na na tila may inaabangan sa kanto ng kanilang barangay.
Sa CCTV, makikitang sumunod sa naunag grupo ang siyam pang menor de edad at ilang saglit lamang ay nakitang nagsitakbuhan ang mga ito nang lusubin sila ng isa pang grupo na may mga hawak na pamalo at kahoy.
Dito na nagsimulang magbatuhan ng mga bote, bato, at kahoy ang mga binatilyo.
Ayon sa nakakita sa pangyayari, may dala pang pen gun umano ang mga kabataan.
Naalarma naman ang mga residente ng Barangay 373 lalo’t ito na ang ika-apat na magkasunod na rambulan ng naturang mga kabataan sa kanilang lugar.
Humihingi naman ng kooperasyon ang barangay sa mga magulang para mapagsabihan at madisiplina ang kanilang mga anak bago pa tuluyang may masaktan sa kaguluhan.
Samantala, isa ang naitalang patay sa sunog na sumiklab sa ilalim ng Camachile Bridge sa Quezon City nitong madaling araw ng Miyerkoles, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sinabi ng BFP na isang matandang may kapansanan ang binawian ng buhay sa sunog na tumama sa magkatabing barangay na Unang Sigaw at Balong Bato pasado alas-4 ng madaling araw.
Umabot pa sa ika-apat na alarma ang sunog dahil mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa light materials.
Nahirapan din umano ang mga bomberong apulahin ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ng BFP kung ilang bahay ang natupok. Inaalam pa rin ang pinagmulan ng apoy.
Mananatili muna sa mga covered court at Balong Bato Elementary School ang mga nasunugan.