Inaresto ng mga otoridad ang dalawang indibiduwal na nahulihan ng aabot sa P680,000 na halaga ng umano’y shabu sa Quezon City pero ayon sa mga ito ay napag-utusan lamang sila.
Naganap ang drug buy-bust operation sa Barangay Nagkaisang Nayon, at nahuli ang dalawang babae na magkasabwat umano sa pagbebenta ng droga.
Mismong ang mga suspek umano ang nag-abot ng droga sa pulis na nagpapanggap na buyer.
Nakuha mula sa kanila ang nasa 100 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P680,000.
Ayon sa pulisya, dati nang nahuli sa kasong may kinalaman sa droga at nakakulong sa Quezon City Jail ang mga mister ng dalawang suspek.
“Yung mga asawa nila ang nag-udyok sa kanila na ipagpatuloy yung gawain nilang pagtutulak ng droga,” ayon kay Police Lt. Col. Jerry Castillo, Novaliches Police Station commander.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, nabisto naman ang ang mahigit sa P18 milyong halaga ng umano’y cocaine sa Clark International Airport sa Pampanga.
Nakuha ang hinihinalang cocaine ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) sa bagahe ng isang South African.
Aabot sa 30 packs ng illegal na droga na binalutan ng tela, carbon paper, at itinago sa mga jacket ang nakumpiska mula sa suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.