Pansamantalang ipinasara ng Department of Social Welfare and Development ang isang bahay-ampunan sa Barangay Bagumbuhay sa Quezon City dahil hindi umano sumunod sa ilang minimum standards na nire-require para sa mga “residential facility for children.”
Naghain ng cease and desist order ang DSWD kung saan nakasaad na 20 araw na pansamantalang pinapatigil ang operasyon ng bahay ampunan habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang DSWD.
Nakatanggap umano ang ahensya ng reklamo mula sa ilang concerned citizen noong Biyernes kaya agad nagsagawa ng spot inspection ang ahensya noong Sabado at ayon sa DSWD, ilan sa mga nilabag ng ampunan ay wala itong maayos na fire exit at ang pag gamit ng triple-decker bed.
Tatlong bus, isang van, at isang ambulansya ang dinala ng DSWD kagabi para ilipat na sana ang mga bata sa kanilang mga pasilidad.
Pero nakiusap ang direktor ng bahay ampunan na huwag kunin ang mga bata dahil baka makasama ito sa kanila.
Paliwanag ng direktor, 95 porsiyento ng mga bata na kinupkop nila ay may pinagdadaanang trauma kung kayat may mga programa silang nakalaan sa mga ito.
Handa naman umano silang ayusin ang mga sinasabing mga paglabag.
Giniit din nito na sana nabigyan sila ng notice o palugit bago hinainan ng cease and desist order.
Pinagbigyan naman ng DSWD ang hiling ng ampunan.
Nagkasundo ang dalawang kampo na mag-pulong ngayon araw para pagusapan ang sinasabing mga paglabag at posibleng paglilipat ng ampunan.