Iniulat nitong Lunes na isang Pinay na overseas Filipino worker sa Hong Kong ang nabiktima umano ng cryptocurrency scam at nawalan umano ng mahigit P5.5 milyon na inilagay niyang invesment sa cryptocurrency sa pamamagitan ng social media.
Ayon sa Pinay, pinangakuan umano siya ng naghikayat sa kaniya na mamuhunan sa cryptocurrency at kikita ang kaniyang pera kung magpapadala ng maliliit na halaga sa ilang bank accounts.
Sa mga unang transaksyon, may mga bumalik umanong pera kay Joy, kaya naengganyo siya na ituloy ang pagpapadala ng pera hanggang sa umabot na ito sa milyong piso sa pag-aakalang mas lalago pa ang kaniyang pinaghihirapang ipon.
Sa loob ng ilang araw, umabot umano sa mahigit P2 milyon ang naipadalang pera ni Joy. Pero nang magpasya siyang kunin na ang kaniyang pera, pinagbabayad daw siya ng 20% ng halaga ng kaniyang investment.
Doon na kinutuban si Joy na may hindi tama sa pinasok niyang investment at nagdesisyon siyang magsumbong sa pulisya.
Umabot sa 25 suspek ang naaresto kaugnay sa cryptocurrency scam. At ilan sa mga ito ay mga Pinoy na dawit din umano sa “love scam.”
Sa kabuuan, aabot umano sa mahigit P5.5 milyon ang nawala kay Joy sa cryptocurrency investment scam.
Ang cryptocurrency ay digital currency na umiiral sa tulong ng cryptographic systems. Hindi ito kinikilala sa maraming bansa, hindi gaya ng currency ng pisikal na pera.
Pero isa ito sa mga popular na ginagamit sa trading at investment. At dahil sa kawalan ng face value at regulasyon ng pamahalaan, paalala ng mga awtoridad, mapanganib ang pag-invest sa cryptocurrency kaya ibayong pag-iingat at sapat na kaalaman ang kailangan.