Aminado ang Primetime Queen na si Marian Rivera na talagang excited na siya sa kanyang pagbabalik telebisyon makalipas ang apat na taong pagpapahinga sa showbiz industry at sa isang panayam, sinabi ng aktres na naghahanda na siya para sa isang bagong proyekto.
“Actually, by next month pa, maghahanap pa kami ng cast. Excited kasi four years akong di nag-soap, e. Very light lang ang story kaya excited akong gawin. Sabi ko, parang di ko yata kaya na drama agad, kasi magba-back to scratch na naman ako dahil mangangapa din ako. Ang tagal, four years,” saad ni Marian sa isang online interview.
Natanong din siya ng nasabing entertainment website kung sino ang nais niyang makatrabaho mula sa Kapamilya network, lalo na’t nauuso na ang collaboration sa pagitan ng GMA at ABS-CBN.
Natuwa naman si Marian nang marinig ito, pero para raw sa kanya ay ang kanyang mister pa rin na si Dingdong Dantes ang nais niyang makatambal.
“E, di ang saya! Magkakasama ang lahat, malaki ang chances na magkakatrabaho ang ABS at GMA ngayon,” sabi ni Marian. “ABS? Sino ba bagay sa akin? Wag na ABS, si Dong na lang, kasi gusto kong bumalik yung Bonggang Villa namin, baka mangyari yan soon.”
“Ang daming trabaho ng asawa ko, e. Sana masingit pa niya yung Bonggang Villa namin,” dagdag pa niya.
Kung matatandaan, noong Enero lamang ay ibinunyag ni Marian na may niluluto nang proyekto para sa kanya na nakatakdang ipalabas sa taong 2024.
Nabanggit pa ng aktres na bagamat looking forward siya sa kanyang showbiz comeback ay tiniyak pa rin niya na top priority pa rin niya ang kanyang pamilya.