Nananawagan ngayon ang pamilya ng architect na ginahasa at pinatay umano sa Davao City ng hustiya habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon kaugnay sa nasabing insidente.
Bumuo na ng special investigation task group ang mga awtoridad para matukoy at mahuli ang salarin sa pagpatay sa architect na kinilalang si Vlanche Bragas. Nanawagan din ang pulisya sa kung sino man ang makapagbibigay sa kanila ng mahalagang impormasyon tungkol sa krimen.
Huling nakita si Bragas na sumakay ng tricycle pauwi sa kanilang bahay noong gabi ng Martes, base sa kuha ng CCTV. Natagpuan na lang noong Miyerkoles ang bangkay ng biktima sa sagingan sa Barangay Dacudao.
Lumabas sa autopsy na asphyxia by manual strangulation o sakal ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. Lumabas din sa medico-legal na may genital trauma ang biktima.
Kinondena naman ng United Architects of the Philippines (UAP) Davao Chapter ang nangyari kay Bragas.
“We stand united in condemning the heinous act that befell [Architect] Vlanche Marie Bragas. The news of her rape and subsequent abandonment in a desolate grassland has utterly shocked and anguished us,” sabi ng grupo.
“This unspeakable act goes against the very fabric of humanity and the principles we hold dear as architects, professionals, and fellow human beings,” dagdag ng grupo.
Mula Enero hanggang Abril ngayong taon, nakapagtala na ng 31 kaso ng rape ang Davao City police, kung saan 2 nito ay rape with homicide at pawang nangyari sa Calinan district.
Puspusan naman ang kampanya kontra rape ng pulisya sa mga komunidad at paaralan.