Inaresto ng mga otoridad ang isang lalaki matapos umanong magpanggap na kawani siya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa kaniyang pangingikil sa Cubao, Quezon City.
Ayon sa ulat, dinakip ang lalaki ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District matapos niyang tanggapin ang napagkasunduang halaga.
Inireklamo siya ng may-ari ng isang van na na-impound noong nakaraang buwan dahil colorum umano ito.
Kinausap ng suspek ang may-ari, na humingi ng P50,000 para sa pag-release ng sasakyan.
Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na hindi ito ang unang beses na nadawit sa modus ang lalaki.
Nahaharap ang suspek sa reklamong robbery-extortion at usurpation of authority.
Samantala, humigit kumulang 519 na pamilya ang naapektuhan sa sunog sa San Antonio, Parañaque City nitong Huwebes.
Pauna ng nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Parañaque at DSWD ng tolda para may masilungan ang mga nawalan ng bahay dahil sa sunog.
Nagbigay ng sopas ang Barangay San Antonio at lugaw, biskwit at kape naman ang ibinigay ng konseho ng lungsod.
Dito sa court ng Area 1 Barangay San Antonio, 472 pamilya ang nagsisiksikan sa ngayon.
Mga gamot sa ubo para sa mga bata at gamot sa high blood ng matatanda ang nauna na ring ipinabaot ng barangay sa mga nasunugan.
Sa paunang tala ng BFP, nasa P750,000 ang halaga ng ari-ariang naabo.
Mayroon ding nasugatan na mga bumbero matapos tumaob ang kanilang truck sa pagresponde sa sunog.
May iniwasan umano ang driver ng firetruck kaya ito tumagilid dahilan para tumilapon ang mga sakay na bumbero.