Nakauwi na sa Pilipinas ang isang Pinay overseas Filipino worker mula sa Kuwait matapos niyang makaranas ng hirap dahil umano sa pagmamalupit ng kanyang amo at sa takot na mapagsamantalan ay tumakas subalit sa kulungan siya humantong matapos hulihin ng mga pulis doon dahil sa kawalan ng hawak na dokumento.
Ang OFW na kinilalang si Flordeliza Noe ay nakauwi na sa kaniyang bayan sa Mangaldan, Pangasinan, matapos matulungan ng pamahalaan ng Pilipinas na makaalis ng Kuwait.
“Sinasaktan ako, tinutulak ako ng mga anak niya. Kaya ko naisipan mag-runaway para makatakas sa amo ko na baka gawan niya ako nang hindi maganda baka mamaya ma-rape pa niya ako,” saad ni Noe sa isang panayam.
Pero sa kaniyang pagtakas, nahuli siya ng mga pulis at ikinulong nang wala siyang maipakitang dokumento at ayon sa kanya, mahigit dalawang buwan siyang nakulong at naging mahirap umano ang kaniyang sitwasyon.
Ang ina ni Flordeliza na si Nanay Jesus, masaya na nakauwi na ang kaniyang anak kahit wala itong pera.
“Kahit wala siyang pera mahahanap mo naman ang pera dito sir. Ang importante yung buhay,” sabi ni Nanay Jesusa.
Ayon sa Migrant Desk Office ng Mangaldan, nalaman nila ang kalagayan ni Flordeliza noong April 2023, at kaagad silang nakipag-ugnayan sa Overseas Worker Welfare Administration.
“Ang information ay nanggaling din sa mga kababayan nating OFW. So ibinigay sa atin yung information na may taga-Mangaldan na nakulong sa Kuwait. Yung family agad nating pinapunta sa munisipyo,” ayon kay Ernie Cuison, ng Migrant Desk Officer ng Mangaldan.
Sa kabila ng nangyari sa kaniya sa Kuwait, sinabi ni Noe na balak pa rin niyang makipagsapalaran sa ibang bansa.