May mga kumakalat ngayong mga ulat na aabot daw sa P700 ang magiging presyo ng isang kilo ng sibuyas at ang mga balitang ito ang siyang nagbibigay ng anxiety ngayon sa ating mga kababayan lalo na sa mga may negosyong karinderya at kainan.
Pero ang mga balitang ito ay pinabulaanan ng isang kooperatiba at iginiit na hindi na aabot sa P700 ang presyo ng sibuyas sa mga palengke ngayon.
Sa isang panayam, sinabi ni Luchie Cena, manager ng Valiant Cooperative sa Nueva Ecija, na nasa higit P100 ang bentahan ng mga sibuyas mula sa mga cold storage facility.
“May balita na namimintuho daw na maging P700, ay kalokohan po yung news na yun dahil ang presyo lang po dito ay P105,P120 dito sa cold storage pagka cinompute niyo po ang labasan,” sabi ni Cena.
“’Kaya pag ho dumating dyan sa palengke, siguro baka P130, P135, hanggang P140 lang,” dagdag pa niya.
Pero aminado si Cena na maaaring tumaas pa ang presyo ng sibuyas kapag dumating sa palengke dahil dumadaan ito sa kamay ng maraming trader.
“Maaari, yan po ay sa dami ng kamay na humahawak ay nagkakaroon po ng pagtaas. Pero dito po sa cold storage ay mababa lamang po,” sabi ni Cena.
Una nang itinanggi ng Department of Agriculture na aabot sa hanggang P700 ang kada kilo ng sibuyas, tulad ng nangyari noong nakaraang holiday season.
Sana naman ay malinawan na ang mga ganitong klaseng balita dahil hindi natatahimik ang ating mga kababayan na naghihikahos ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa bansa.
Dapat ring matigil na ang paglabas ng mga hindi makatotohanang mga balitang ito.