Hanggang ngayon ay dumarami ang naitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa at hindi na maikakailang tuloy-tuloy rin ang pagtaas ng mga admission ng Covid-19 patients sa mga pribadong ospital sa bansa sa nakaraang tatlo hanggang apat na araw.
Kaya naman talagang nakakabahala na ang mga lumalabas na ulat, lalo ngayon na nagluwag na ang alert level restrictions sa bansa at hindi na rin mandated ang pagsusuot ng masks.
Ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, president ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI), nakikitaan ng pagtaas ng admissions ay sa National Capital Region, Region 4A, Region 6, at Davao Region.
Dagdag niya, hindi tumataas sa 20 porsiyento ang alokasyon ng hospital beds para sa Covid-19 pero karamihan umano sa mga pasyente ay mga co-incidental ng coronavirus o mga pasyente na naa-admit ngunit nag popositibo sa screening process.
Mild lang ang sintomas ng karamihan ng mga naa-admit na Covid-19 patients.
Tumaas man ang hospital occupancy rate ay unti-unti mapapababa ito dahil sa kahandaan na ng mga ospital sa Covid-19, aniya.
Sabi pa ni De Grano, kung nakakaramdam ng mild na sintomas ay hindi inirerekomenda ng mga doktor na magpaadmit sa ospital kundi ay mag isolate sa kanilang bahay. Pinapayagan lang umano na maadmit ay ang mga pasyenteng may commorbidities na posibleng lumala dulot ng Covid-19.
Dagdag niya, bihira na ang nagsusuot ng mask sa labas, kaya dapat na magkaroon ng info drive na nagsasabi ng kahalagahan ng pagsusuot ng face mask.
Payo niya, sundin pa rin ang minimum health standard upang hindi na muling kumalat ang Covid-19.
Sa nangyayaring ito, dapat talagang gumawa na ng hakbang ang ating mga ahensya upang masigurong hindi na tayo magkakaroon ng surge ng Covid-19 cases sa bansa.