Iniulat nitong Huwebes na dalawa ang kumpirmadong patay matapos umanong mabagsakan ng isang malaking puno ang ilang kabahayan sa Estero de Magdalena sa Recto, Maynila.
Ayon sa mga residente, pasado alas-12 ng hatinggabi nang marinig nila ang malakas na kalabog sa itaas. Inakala pa nila na bumigay ang kalapit na gusali pero puno ng balete pala ang bumagsak at sa bilis ng pangyayari, wala nang naisalbang gamit ang mga residente.
Pinagtulungan namang sagipin ng mga kawani mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Manila disaster office ang nasa limang tao na na-trap sa loob ng kanilang mga bahay at huling nailigtas ang isang ama na yakap-yakap pa ang kaniyang 2-taong-gulang na anak.
Sa pinakahuling tala ng Jose Reyes Memorial Medical Center alas-2:30 ng hapon, dalawa na ang nasawi habang nasa anim naman ang sugatan.
Sa hiwalay namang tala ng BFP nitong Huwebes ng umaga, sinabi nitong tatlo na ang patay at lima ang sugatan sa insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung gaano karaming bahay ang naapektuhan sa estero.
Samantala, isang dating heneral ng Philippine National Police ang nasawi matapos maabo sa sunog ang kaniyang bahay sa Barangay Tandang Sora, Quezon City Miyerkoles ng gabi.
Na-trap umano sa nasunog niyang bahay sa Carmel 3 Subdivison si Ret. Gen. George Ancheta at base sa paunang imbestigasyon ng BFP, napabayaang kandila sa isang kwarto sa naturang bahay ang naging sanhi ng sunog.
Gabi-gabi umanong nagtitirik ng kandila ang mag-asawang may-ari sa loob ng kwarto ng namayapa nilang anak.
May kalumaan na ang bahay at gawa sa kahoy ang sahig ng ikalawang palapag, dingding at mga bintana nito kaya naman mabilis na lumaki at kumalat ang apoy.
Nakaligtas naman ang asawa ng dating police official at ang kanilang kasambahay.
Natagpuan na lang ng mga rumespondeng bumbero ang bangkay ng pitumpu’t anim na taong gulang na dating PNP general sa unang palapag ng bahay sa may ibaba ng kanilang kwarto.