Aminado ang aktres na si Rhian Ramos na hindi niya naisip na sumali sa mga beauty pageant sa kabila ng taglay niyang mga katangian sa labanan ng pagandahan at patalinuhan.
May ilang mga netizens kasi ang nagsasabing pwedeng-pwedeng manalo si Rhian sa Miss Universe Philippines, Binibining Pilipinas at iba pang national pageants with her looks and intelligence.
Pero ayon sa dalaga, hindi niya talaga naisip sumali sa mga mga beauty contest kahit pa may mga nangungulit sa kanya noon at sa kanyang IG, nag-post si Rhian ng isang maikling video kung saan makikita ang nakakaloka niyang reaksyon nang manalo ang kaibigang si Michelle Dee bilang Miss Universe Philippines 2023.
“If you ever wonder why never dumaan sa isip ko sumali sa kahit anong pageant, ito ‘yung reason. I have no poise, composure, or emotional control. ‘Pang drama talaga ako. Thank you Lord! Nakaka-ugly cry ang blessings niyo,” saad ni Rhian sa kanyang caption.
Kasama niyang nanood sa grand coronation night ng naturang pageant na ginanap sa Mall of Asia Arena last Saturday, May 13, ang kapwa Kapuso actress na si Max Collins.
Samantala, hindi rin nakalimot ang aktres na bumati sa kanyang nanay kahapon sa pagse-celebrate ng Mother’s Day.
Idinaan din niya sa Instagram ang kanyang mensahe para sa inang si Clara Ramos kalakip ang kanilang photo together. Sabi ni Rhian sa caption, “Happy mother’s day to the original silly lady. thank you mom for showing me what unconditional love is.”