Tinupok ng apoy ang isang residential area sa Las Piñas City nitong Lunes, kung saan higit 100 pamilya ang naapektuhan at ayon sa mga otoridad, nagsimula ang naturang sunog sa Barangay Talon Uno pasado alas-3 ng hapon bago umakyat sa Task Force Alpha ang lebel nito.
Nagdeklara ng fire under control ang mga bumbero pagsapit ng alas-6 ng gabi. Bandang alas-8 ng gabi, naapula na rin ang sunog.
Sinabi ni Las Piñas Fire Marshal Melchor Isidro na nahirapan sila apulahin ang sunog dahil sa sikip ng daan papasok sa naapektuhang lugar at dagdag niya, nasa 100 na bahay at 132 na pamilya ang naapektuhan ng trahedya. Wala namang nasawi.
“Wala naman pong namatay … minor injuries (lang). Sa ulat po kanina, may nahilo, may nasugatan ‘yung tuhod, nagasgasan tsaka ‘yung open wound po nagasgasan … bale 6 po sila lahat,” saad ni Isidro.
Ayon kay Barangay Talon Uno Cpt. Milling Ramos, manunuluyan muna sa covered court ng barangay ang mga naapektuhan ng sunog.
“Ang problema namin di kakayanin ng court kasi ang court maliit lang … Sa ngayon po ang barangay po ay nagpapaluto muna pansamantala ng lugaw kasi yun lang ang pinakamadaling lutuin,” saad ni Ramos.