Iniulat nitong Martes na mayroon umanong namatay na overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong matapos nitong mahulog sa ika-18 palapag ng isang apartment building doon.
Ayon sa mga paunang ulat, naglilinis umano ng mga bintana ng unit ng kaniyang employer nang mahulog siya.
Ilang building staff ang nakakita sa insidente at nag-report sa pulisya.
Dead on arrival sa ospital ang OFW, na hindi pinangalanan sa report.
Ipinagbigay alam na ang nangyari sa Philippine Overseas Labor Office sa Hong Kong. Nakipag-ugnayan na rin ang Konsulado sa kapatid ng biktima na nagtatrabaho sa Macau.
Sa iba pang balita, handa umanong alisin ng Pilipinas ang deployment ban sa pagpapadala ng first time na Pinoy household service workers sa Kuwait pero may kondisyon.
Inihayag nina Undersecretary Eduardo Vega ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Undersecretary Hans Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW), sa mga kongresista na aalisin ng Pilipinas ang deployment ban na ipinatupad noong Pebrero kung titiyakin ng Kuwait ang proteksiyon ng mga overseas Filipino workers, at mananatili ang mga shelter o kanlungan ng mga tumatakas na OFWs mula sa malupit nilang amo.
Inihayag ito ng mga opisyal matapos tanungin ng mga mambabatas kung ano ang non-negotiable sa usapin ng mga OFW sa harap ng ipinatupad na entry ban at pagsuspendi ng Kuwait sa visa para sa mga Pinoy workers na pupunta sa kanilang bansa.
Una rito, sinabi ng Kuwait na ang kautusan ay bunga umano ng paglabag ng Pilipinas sa mga kasunduan ng dalawang bansa. Bagaman hindi nilinaw ng Kuwait kung ano ang mga kasunduan na nilabag ng Pilipinas, hinihinala ng isang opisyal ng DFA na nais ng Kuwait na alisin na ang deployment ban ng mga household service workers na ipinatupad ng Pilipinas laban sa kanilang bansa.
Hindi rin umano gusto ng Kuwait ang pagkakaroon ng mga shelter na tila naghihikayat umano sa mga OFW na tumakas sa mga amo.
Ipinatupad ng Pilipinas ang deployment ban noong Pebrero kasunod ng karumal-dumal na pagpatay ng anak ng amo sa Pinay HSW na si Jullebee Ranara. Bukod pa ang dumadaming bilang ng mga OFW na tumatakas sa mga amo nila dahil umano sa pagmamalupit.