Nagbalik na sa normal na operasyon ang LRT-2 Recto Station nitong Lunes matapos maapektuhan ng sunog sa kalapit na residential area sa Sta. Cruz, Maynila.
Kung matatandaan, pansamantalang naantala ang ilang biyahe nitong Linggo nang maapektuhan ng sunog ang power supply at signaling system components ng naturang istasyon.
Matapos ang clearing at safety assessment ng Light Rail Transit Authority, may biyahe na mula Recto Station hanggang Antipolo Station at pabalik.
Aalis ang huling tren sa Recto Station ng 9:30 p.m. habang 9 p.m. naman sa Antipolo Station.
Ayon sa pamunuan, hindi pa rin maaaring daanan ang connecting bridge mula Recto Station papuntang LRT-1 Doroteo Jose Station.
Paalala ng Light Rail Transit Authority sa mga pasahero, sa ibaba o sa kalsada muna dumaan habang inaayos pa ang naturang tulay.
Samantala, sugatan ang isang taxi driver at 2 pasahero nito matapos sumalpok ang minamanehong sasakyan sa mga concrete barrier sa UN Avenue sa Maynila.
Ayon sa taxi driver, binabagtas nila ang UN Avenue nang biglang pumihit umano pakaliwa ang kanyang taxi at nawalan kontrol. Dagdag niya, madilim ang naturang kalsada kaya hindi niya napansin ang mga concrete barrier.
Nawasak ang kaliwang bahagi ng taxi habang nagtamo ng sugat sa kanang mata at sa baba ang driver. Isinugod naman sa ospital ang dalawa niyang pasahero matapos magreklamo ng pananakit ng tuhod dahil sa pagkakabangga.