Ilang mga overseas Filipino workers na papunta umanong Kuwait ang nasorpresa nitong nakaraan dahil hindi na umano sila pinayagang makasakay ng eroplano dahil epektibo na umano ang kautusan ng Kuwait na nagsusupinde sa entry at work visa na ibinibigay nila sa mga Filipino.
Ayon sa mga ulat, isang Filipina skilled worker na nasa Dubai na ang hindi na pinayagan na makasakay ng eroplano sa connecting flight niya papuntang Kuwait.
Ayon sa kaniyang recruitment agency officer sa Pilipinas, hinahanapan ng civil ID ang mga OFW na papunta sa Kuwait. Pero ibinibigay lang umano ang naturang ID pagkatapos makompleto ang medical examination na ginagawa mismo sa Kuwait.
Lumabas sa mga media report sa Kuwait na ipinatupad ng naturang bansa ang kautusan na suspindehin ang entry at working visa sa mga Pinoy dahil sa hindi pagsunod umano ng Pilipinas sa ilang probisyon sa labor agreement ng dalawang bansa.
“There’s a suspension of the visa insurances to filipinos, pero ito ay para doon sa mga nagtatrabaho doon. Ginawa naman ng Kuwait, in-expand nila na lahat hindi magkakaroon ng work visa,” sabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose De Vega.
“Ngunit malinaw na ang ibig nila sabihin, hindi tayo sumunod sa agreement kasi yung nagsuspend tayo kasi gusto nila, walang suspension. Natural no kasi kailangan nila ng Filipino workers, masasabi natin ‘yan kasi desisyon ‘to ng pamahalaan kasi dahil sa nangyari kay Ms. Ranara,” dagdag ng opisyal.
Si Jullebee Ranara ay OFW na brutal na pinatay ng anak ng kaniyang amo. Dahil sa nangyari kay Ranara at iba pang insidente ng pagmamalupit sa domestic helper na Filipinas, nagpatupad ng deployment ban sa Kuwait nitong Pebrero ang Pilipinas para sa mga first time domestic worker doon.
Umaapela naman at humihingi ng tulong ang mga recruitment agency sa Department of Migrant Workers dahil apektado ng kautusan ng Kuwait ang maraming OFWs na nakompleto na ang papeles para magtrabaho doon.
Hindi pa nagpapalabas ng pahayag ang Kuwaiti Embassy sa Pilipinas tungkol sa naturang kautusan.