Isang political expert ang nanawagan ngayon na dapat ay may “full-time secretaries” na ang Departments of Agriculture, Health, at National Defense matapos ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na
magre-reorganize siya ng kaniyang Gabinete.
Kung matatandaan, kasi, sinabi ng Pangulo na maaari na siyang magtalaga ng mga natalong kandidato noong May 2022 polls sa mga posisyon sa gobyerno.
Pero ayon kay Maria Fe Villamejor-Mendoza, isang professor at dating dean ng National College of Public Administration and Governance sa University of the Philippines Diliman, mas maraming kawalan kung ang ipupwesto ay politikong walang alam sa pamamalakad ng ahensiya.
Dagdag niya, ang mga ahensiyang hindi nakitaan ng good performance ay maaaring manganib na mapasama sa balasahan. Kung umuusad na ang isang ahensiya sa unang taon, ay maaaring mahirapan umano itong gumalaw kung papalitan ng liderato.
Sabi pa ni Mendoza, may mga balita umano na may evaluation na isinasagawa ngayon ang administrasyon, pero ang iba ay mahirap maabot sa pagsusuri kaya dapat umanong i-prayoridad ang DA dahil labis na mas maraming problema ang ahensiyang ito dahil sa patuloy na pagtaas ng inflation rate.
Wala ring patutunguhan ang DND at DOH kung OIC pa rin umano ang nakaupo sa mga ito.
Ayon naman kay Dr. Jean Encinas-Franco, propesor sa UP Diliman Department of Political Science, ginawa na rin ang balasahan sa mga nakaraang administrasyon.
Maaaring isa sa mga rason umano kung bakit babalasahin ang Cabinet ay ang inilabas na survey ng Social Weather Stations kung saan lumabas na mababa ang satisfactory ng taumbayan sa Gabinete.
Dagdag ni Franco, kahit na magkaroon ng reappointment sa mga naging dating kalihim ay dapat na humanap na ng iba dahil sila ay nakapagsilbi na at hindi umano din dapat manatiling OIC lang ang nakaupo sa DOH.
Sana nga ay mahanapan na ng solusyon ang kakulangan sa mga kalihim dahil hindi naman maikakaila na sobrang busy na ng ating Pangulo, kaya dapat ay magkaroon na siya ng kahalili bilang DA secretary.
Pero siyempre, kailangang pag-isipang mabuti kung sino ang mga itatalagang kalihim.