Inihayag ng kampo ni dating Senador Leila de Lima na napawalang-sala ang dating mambabatas sa kinakaharap nitong kaso na may kinalaman sa ilegal na droga. Ito na ang ikalawang kaso niya na ibinasura ng korte.
Pinawalang-sala ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 ang dating senador na ibinalita ng abogado ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon.
Sa 39-pahinang desisyon ng korte, sinabing hindi napatunayan ng prosekusyon na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa si De Lima, at ang kapuwa nito akusado na si Ronnie Dayan, na dati niyang bodyguard.
Bagaman napatunayan umano ng prosekusyon na talamak ang kalakalan ng ilegal na droga sa piitan, bigo naman silang patunayan ang pagkakasangkot dito nina De Lima at Dayan dahil na rin sa ginawang pagbawi ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Rafael Ragos, sa kaniyang testimonya na nagdidiin noon sa dalawa sa kaso.
Binati naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si De Lima sa naging pasya ng korte.
“The rule of law has prevailed, and it just points out to us that the independence of the judiciary is a basic foundation of our democratic system,” saad ni Remulla. “It’s good. It’s good for us. It just proves that things are working in our country.”
Inihayag naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na dapat igalang ang desisyon ng korte.
“Si Senator De Lima, that’s another victory in her camp. That is justice system working,” sabi ni Bersamin, na dating chief justice.
Pebrero 2017 pa nakadetine si De Lima sa Camp Crame matapos kasuhan dahil sa alegasyon na nakinabang siya sa kalakalan ng ilegal na droga sa NBP noong nakaupo pa siyang kalihim ng DOJ.
Noong Mayo 2022, binawi ni Ragos ang kaniyang testimonya, na sinabi niyang nagdala siya, at kaniyang tauhan na si Jovencio Ablen Jr., ng P5 milyon sa bahay ni De Lima sa Parañaque City noong 2012, bilang bahagi sa kita sa kalakalan ng droga sa NBP.
Ayon sa desisyon ng korte, sa naturang testimonya, tanging si Ragos lang ang may personal na kaalaman sa pinagmulan ng pera.
“Under the circumstances of this case, the testimony of witness Ragos is necessary to sustain any possible conviction. Without his testimony, the crucial link to establish conspiracy is shrouded with reasonable doubt,” paliwanag sa desisyon.
“Hence, this Court is constrained to consider the subsequent retraction of witness Ragos. Ultimately, the retraction created reasonable doubt which warrants the acquittal of both accused,” dagdag nito.
Pinirmahan ni presiding Judge Abraham Alcantara, ang naturang desisyon.
Sa inilabas na pahayag ni Tacardon, tiwala siya na mapapawalang-sala rin si De sa natitira nitong kaso na isinampa ng dating administrasyong Duterte, at makakalaya ang kaniyang kliyente.
“That’s already two cases down, and one more to go. I am of course happy that with this second acquittal in the three cases filed against me, my release from more than six years of persecution draws nearer,” saad ni Tacardon.