Naging tampulan ngayon ng usapan ang Queen of Teleserye Theme Songs na si Angeline Quinto matapos mag-viral ang isang video ng kanyang blooper na kuha sa “ASAP Natin To” at talaga namang marami ang naaliw sa kanya.
Sa video kasi, mukhang “napadaan lang” ang biriterang singer habang nagpe-perform on stage sina Klarisse de Guzman at Jed Madela last Sunday.
Mapapanood sa naturang video si Angeline na naglakad sa likuran nina Klarisse at Jed na parang namamasyal lang sa mall at tila walang pakialam sa nagaganap na production number.
Sandamakmak na reaksyon ang nabasa namin sa Instagram page ni Angeline kung saan mismong siya pa ang nag-post ng kanyang “ASAP” blooper.
“Ganyan talaga pag live anu po? Yung tawa ko mag isa sa backstage di ko na alam saan ako pupunta. Patuloy ang paglakad este PANGARAP pala,” sabi ni Angeline.
Isang netizen naman ang diretsahang nagtanong kay Angeline kung ano ba talaga ang nangyari at bigla siyang
na-wow mali sa naturang production number.
“Hindi kasi kami nasabihan agad na kami na ang susunod na prod. Pag-akyat ko ng stage narinig ko intro na ng kanta ni Kuya Jed, ayun umexit ako ulit,” ang paliwanag ng singer. “Hindi kasi kami na-advise na kami ang susunod na prod. Kaya ayun.”
Pero in fairness, maraming pinatawa at pinasaya ang viral blooper ni Angeline dahil sa good vibes na hatid nito.