Iniulat ng Las Piñas Police na isang motorcycle rider ang namatay habang may apat pang nasugatan nang araruhin ng isang SUV ang ilang sasakyan sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Barangay Pamplona 3, Las Piñas City nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa pulisya, kita sa CCTV footage na palabas sa kalsada ang isang van at kakaliwa ito patungong Alabang-Zapote Road Alabang bound lane at hindi pa ito tuluyang nakaliliko.
Mabilis namang humarurot ang SUV habang binabagtas ang kaparehong lane, dahilan para mabangga nito ang van at tatlo pang motorsiklo. Nasagasaan din ang isang tumatawid na pedestrian.
Ayon kay Las Piñas City police chief Col. Jaime Santos, dinala na sa Perpetual Help Medical Center ang apat na nabangga.
Nasa kustodiya na rin ng Las Piñas Vehicle Traffic Investigation Unit ang driver ng SUV.
Samantala, timbog ang isang lalaki na kabilang sa mga most wanted ng Quezon City Police District matapos barilin ang katransaksyon sa droga na hindi nagbayad.
Kinilala ang suspek na si Jojo Absalon na naaresto sa isang hotel sa Angeles City, Pampanga.
Subject ng warrant of arrest sa kasong attempted homicide si Absalon na nasa likod ng pamamaril kay Jonathan Liansing Jr. noong Disyembre 2022 sa Barangay Talipapa, Quezon City.
Nagtamo ng sugat sa braso si Liansing matapos tamaaan ng bala.
Ayon sa pulisya, pumunta ang suspek sa bahay ng biktima para maningil sa utang nito na may kinalaman sa droga. Ngunit ayaw umanong magbayad ng biktima, kaya nauwi ito sa kanilang pagbubuno.
Sa kanilang pagbubuno, bumunot ng baril si Absalom at nabaril si Liansing.
Nakakulong na rin si Liansing matapos mahuli sa drug buy-bust operation nitong Enero.
Naisilbi rin ang isa pang warrant of arrest kay Absalon para sa kasong attempted murder na nangyari sa Valenzuela noong Disyembre 2022.